OH AKING INAY (By: Jodesign)

dedicated to my friend, LEA
JOSIE DE SILVA-IGNACIO
Quebec, CANADA

Sa aking paglaki`y ikaw ang aking ilaw
Sa lahat ng aking galaw ikaw ay nakagabay
Sa lahat ng sandali ng aking pangangailangan
Ikaw aking inay ay palaging nakaagapay.

Dumating ang panahon na ako ngayo`y dalaga na
Ikaw aking inay, nandyan pa rin sa t`wina
Sa aking mga lakad palaging nagtatanong ka
Tila baga pakiwari ko, ako`y nasasakal na!

Kaya`t kung magkaminsan, ikaw ay nasasagot ko
Ng mga katagang tila ba wala nang respeto
Kaya`t palaging nalalaglag ang mga luha sa mata mo
Dahil sa katigasan nitong aking ulo.

Dumating ang sandali na ako ay lumisan
Dito sa ibang bansa, ako`y nakipagsapalaran
Palaging nag-iisa, wala nang inang gumagabay
Mahirap palang mabuhay nang walang inang kaagapay.

Sa iyo aking inay patawad ang hiling
Sa mga inasal ko nuong ako`y nasa iyong piling
Ang iyong mga pangaral at mga tagubilin
Ang palagi ko ngayong guguni-gunitain.

Nasambit ko na ba sa`yo ang mga katagang Mahal kita..?
Alam kong ngayon ito ay napapanahon na
Habang naririyan ka pa at mayroong hininga
Aking sasambitin, INAY...MAHAL KITA!

Diyos ko dinggin Mo,ang mga dasal ko
Nawa ang aking inay, sa tuwina`y ingatan Mo
Upang sa aking pag-uwi siya ay madatnan ko
Mahagkan at mayakap sa mga bisig ko.

Comments

hi.nkapaganda at very

hi.nkapaganda at very inspiring yong tulang sinulat mo.sobrang na touch talaga ako sa mga content nito.kasi sa edad kong ito hindi ko pa nasasabi sa inay ko ang katagang i love you.salamat at pina alala mo sa akin sa pamamagitan ng tula mo na kailangan ko rin ipadama ko ang pagmamahal sa mga magulang ko.thanks a lot and keep up the gud works.......